Skip to content
Join us on Nov. 12 for Return to the Enchanted Island: A Book Launch and Conversation with Johary Ravaloson, Allison M. Charette, and Uzodinma Iweala at The POWERHOUSE ARENA in Brooklyn. Click for more info and to RSVP.
from the November 2019 issue

Norebang

Dumating s’ya bilang bisita at umalis bilang kakutsaba sa krimen matapos makipaghapunan ng pinakbet at sinigang na baboy sa magpamilyang Kim.

At least, ‘yan ang sabi n’ya sa ‘kin sa pagitan ng pagnguya ng mani at potato chips. Nasa Janga Norebang kami sa bandang Koejong.

Makinig. Isang gabi sa karaniwang apartment ng pamilyang Koreano sa Busan, bumubuhos ang tubig sa gripo sa lababo. May hinuhugasan, may pinapakuluan, may niluluto para maging pinakbet at sinigang. Lahat ito, sabay-sabay, pinagbibidahan ni Neneng Delia, ang Pinay na asawa ng Koreano.

Tingnan mo s’ya, itong sinasabi kong bisita na katabi ko ngayon, na nakaupo sa mesa, sa gilid ng lababo at lutuan na kinatatayuan ni Neneng. Kaharap n’ya, sa kabila ng mesa, ang Koreano, ang bana. Sa kabila ng mesa, sa dulo, ang kalahating bahagi ng kuwarto. Nakadisplay dito ang digital tv at mga nakakuwadrong larawan ng pamilya Kim na nakasuot ng hanbok, ang tradisyonal na damit na sinusuot ngayon sa mga selebrasyon tulad ng Chuseok, ang festival ng tag-ani. May piyano. Nakilala n’yang “Moonlight Sonata” ni Beethoven ang tinutugtog ni Ji- eun, walong taong gulang.

Anyway, dugtong n’ya, panay ang lingon n’ya kay Neneng. Kumbinsado s’ya na maganda ito; lalo na noon, maging hanggang ngayon, sa mala-Pilar Pilapil nitong mukha, mahaba na buhok at maumbok na katawan. Kitang-kita ang edad nitong lampas kuwarenta y singko sa suot na itim na slacks at bulaklaking blusa na asul. Isang pagpasaklolo raw ang mga lingon n’yang ‘yon, habang nakikinig s’ya sa bana nito, na nakikipag-usap sa kanya – mata sa mata – na agad namang isinasalin ni Neneng sa Ingles, at ang iilan sa magkahalong Tagalog at Hiligaynon.

Tulad nito: ‘Siling sang bana ko, maganda ka. Bakit daw di ako tulad mo?’

Ramdam n’ya raw ang pagkadurog ng kamatis, ng kalabasa, ng okra sa kanyang dibdib. Maging ng persimmon na una n’yang nakita sa bansang ito at kinaaliwan n’ya.

Ngunit naiintindihan n’ya raw si Neneng, lalo na ngayon. Kaya nga nagyaya s’ya rito. Iyon nga lang, di makakasama si Neneng. Hindi, kahit humabol tulad ng iba. Malapit na raw sila.

Mga limang taon na kaming magkakilala ni Neneng. May grupo kaming mga guro ng Ingles dito sa Busan na nakapag-asawa ng Koreano. Kilala ko rin ang bana nito, si Leo (‘yan ang ngalan n’ya sa Ingles). Kalbuhin ito, may katabaan. Palangiti. Nakikinita ko ang mukha nito at paniningkit ng mga mata habang nakikipag-usap sa dalagang ito. May mga taong ngiti ang katumbas ng paghatid ng pangangamusta, at marahil sa gabing ‘yon, sa pagiging espesyal nito, dahil nagluluto na naman ang kanyang asawa ng pinakbet at sinigang, sa tuwa nito na may isa na namang kapwa Pinay na kaibigan, at dahil d’yan, okey lang ang lahat sa kanila. Kahit pa balita na sa kanilang grupo ang pagka-lay off ng bana nito sa isang shipping company. Kahit pa may mga araw na umuuwi si Ji-eun mula sa klase at nagsusumbong: tinutukso s’ya ng mga kaklase na ‘Nunon african saram ida. Pibuga sikumota!’ (You are African. Your skin is dark!)

Nagkakilala sila sa subway, si Neneng at ang dalagang ito, na una ko namang nakilala noong Independence Day dito ngayong taon at ka-grupo s’ya sa pagsayaw ng Pandanggo sa Ilaw. Magkapareho ang kanilang ruta - Sinpyeong, Hadan, Tangni, Saha, Koejong, Seomyeon - sa magkaparehong oras ng pagtrabaho: 10 ng umaga hanggang 6 ng gabi. Magkalapit ang kanilang hagwon. ‘Bisita ka sa amin,’ agad daw na imbita sa kanya, ‘ipagluto kita ng pinakbet at sinigang.’ Pareho pala silang Ilongga at sino ba naman ang ayaw paunlak sa isang nakakatandang kababayan, lalo pa’t nakakagutom ang iluluto? Asawa rin ba daw s’ya? Hindi, sagot n’ya, pero bagong salta, at heto, nakikipagsapalaran matapos ang dalawang taon na pag- tutor sa mga estudyanteng Koreano sa Iloilo. May nabuntis daw ang nobyo na seaman. Geu saram, aniya, fixing a broken heart ang drama n’ya dito.

Song: (그 사람) Geu Saram/That Person Artist: Lee Seung Chul

Ito ang anyaya n’ya sa akin. Nasaulo n’ya ito sa panonood ng Baker King. Tag-iisang beer in can at isa pang platito ng mani at kinanta namin ito.

Saranghae, mahal ko rin naman ang bana ko, e,’ sabi ko naman sa kanya. ‘Nade- develop naman ang love, hindi lang ang picture.’

Hahahaha. Hehehehe, dugtong n’ya. ‘Oo, mabait naman ang biyenan kong babae, shi-omoni. Pero s’yempre, katulong talaga ang turing sa’yo, lalo na kapag Chuseok.’ Inubos ko ang aking beer at kumaway ng isa pang order.

May higit pang nangyari sa pagbisita n’yang ‘yon, dagdag rin n’ya. Matapos daw nila makapaghapunan, matapos ni Neneng maghugas at magligpit at ayaw patulong sa kanya, sa suot pa rin nito na slacks na itim at bulaklaking blusa na asul, nag-norebang sila sa digital tv sa sala.

Ganito ang eksena. Naroon s’ya, nakaupo. Nakasalampak sa sahig ang Koreano sa shorts nito at t-shirt, katabi ang anak. At si Neneng? S’ya ang may hawak ng mikropono, bumibirit-indayog sa “Bakit” ni Imelda Papin.

Klap, klap, klap.

Aliw na aliw kay Neneng ang bana. Isipin na sumasayaw-sayaw ang mahabang buhok ni Neneng sa indayog ng malusog nitong katawan, na parang hindi s’ya si Neneng kani-kanina lang na nagluluto at nagsasalin ng papuri ng bana sa dalagang ito: na siguro matalino s’ya dahil nakapunta ng Korea kahit walang Koreanong nobyo o asawa, na siguro kung divorced sila ni Neneng, o kung mayaman s’ya, liligawan s’ya nito at dadalhin sa isla ng Jeju, saan minsan daw s’ya nakapunta dahil sa trabaho, at saan nagbabakasyon ang maraming maykayang Koreano.

Sumagot daw s’ya, isang pagpapasaklolo kay Neneng na ibahin ang usapan, na maraming magagandang dagat sa Pilipinas, kaya nga maraming mga Koreano doon, kelan ba sila huling nakapagbakasyon, o magbabakasyon?

Ga-munggo raw ang kanyang pawis ng gabing ‘yon, na kung tumagal pa, magkaka- rashes na s’ya. Nagpi-piyano ang isang anak habang ginagawa ng kanyang mga magulang ang isang krimen! At nangyari ito dahil dumating s’ya. Ito raw ang pumako sa kanya sa pagkaupo. May kung anong bawal sa pagsalungat sa nagaganap sa loob ng pamamahay sa sandaling iyon: kailangan n’yang samahan si Neneng sa pag-aliw sa bana nito na bago lang nawalan ng trabaho, kailangang naroon s’ya bilang tagapanood at saksi sa Koreanobela ni Neneng, dahil bakit nga ba narito s’ya sa bansang ito, at isang dalaga?

Oo, naiintindihan na n’ya raw ngayon, na ito talaga ang tunay na dahilan kung bakit s’ya inimbita ni Neneng, higit pa sa pagiging magkababayan nila, o dahil nga mismo magkababayan sila, kaya s’ya ang naging perfect candidate (parang napaka-harsh naman daw kasi ng ‘victim’). Kaya hayun, nakapagpalaoy-laoy ito, nakabirit at nakaindayog na parang walang pakialam sa ngayon at bukas dahil di nga ba, tuwang-tuwa sa kanya ang bana at anak sa mga sandaling ‘yon, at s’ya na isang kababayan na maaari mang manlibak o manlait, e, ano ngayon? Ikaw rin, sinasabi ng mga indayog nito, ikaw rin, mararanasan mo rin ang kakaibang lungkot at pangungulila kapag nagsimula nang magsilagas ang mga dahon ng puno, hahagulhol ka rin sa mga gabi at umaga na parang may namina na bahagi ng ‘yong lalamunan, may nanakaw sa’yong mga ginto at di ka mapakali hangga’t makahigop ka ng sabaw ng sinigang. Paulit-ulit ito, sa gulong ng apat na panahon; matatabunan lang ng pagiging abala ngunit hindi nawawala, kaya sasabihin mo rin na oo, masarap pa rin sa Pinas, lalo na sa probinsya, masarap talaga, iba talaga, ngunit wala na rin doon ang ‘yong buhay. Kaya kakanta ka ng     usong kanta, ng walang kamatayang kanta tulad ng mga pinasikat ni Imelda Papin, at sasayaw, iindayog, walang pakialam, mabaril ka man tulad ng mga napabalita sa kaso ng “My Way.”

Natapos daw ang gabing ‘yon sa “Hindi Ako Isang Laruan.”


‘Kanta na lang tayo,’ gusto kong sabihin sa kanya. Napakatalino ng dalagang ito, na tinawagan ko ang kasamang hinihintay. Halos hindi kami magkarinigan sa ingay pero naintindihan kong lumalakad na silang tatlo papunta rito, nakikita na nila ang signboard.

Dinggin ang aking haaaay...

Saulado ko ang karaniwang iskedyul ng Pinay na asawa ng Koreano: pagkatapos ng hagwon, takbo sa isa pang pagtuturo, halimbawa private tutorial ng matatandang gustong matuto ng Ingles, o di kaya’y takbo sa pamamalengke o pagsundo sa anak o pag-uwi at paglilinis at paglalaba at pagluluto. Sa gabi, tutulungan ang anak sa mga assignment, sasamahan ang bana sa panonood ng tv, aaliwin sa kama. Swerte na ang paminsan-minsang pag-norebang na magkakasama. Tulad ngayon.

Naiintindihan din kaya ng dalagang ito na kahit magkaiba kami ng sitwasyon ni Neneng, pero makakalabas lang din ako ng bahay, mula sa aking mga trabaho at bana at dalawang anak, kapag may bisita? Ito ang paalam ko sa aking bana, may bisita na Pinay ang aming grupo – siya, itong dalaga, at ako ang Presidente kaya ako ang kailangang mag-asikaso. Pero mabait naman talaga ang bana ko, e, at isang engineer.

Pakinggan din ito, dahil hindi ko na rin mapigilan magkwento pa. ‘S’yempre, matinding tiis din noong una, lalo na sa pakikibagay sa shi-omoni,’ sabi ko sa kanya. ‘Para kasing inagaw mo ang anak, pagkatapos di ka pa marunong mag-Korean at di rin s’ya magaling mag-Ingles, at tatanga-tanga ka pa sa pagluluto. Kaya importante din na marunong kang lumaban. Ito ang turo ko sa dalawa kong lalaki. Kahit pa hindi sila tinutukso sa paaralan nila tulad ni Ji-eun. Pero noon, aba, parang ikinahihiya nilang makita ako ng mga kaklase at malamang nanay nila!’

Ikaw naman, sabi n’ya nang tumunog uli ang “Gue Saram.”

Nag-cheers kami sa aming pangatlong beer in can. Kinanta ko ito, na isa rin sa una kong paborito, ‘tong kanta ng pagpapaubaya sa minamahal, na sige na, umalis ka na, sa kanya ka na, dahil mahal kita.

Pagkatapos bumukas ang pinto. Narito na ang tatlo pang asawa ng Koreano.


Ano ang nauna, kanta o kwento? O magkapareho ba sila? Ano ang halina ng bagong kakilala at bata? O dahil ba gusto lang naman talaga natin marinig ang sarili?

‘Papel lang ‘yon,’ sabi ng isa tungkol sa pagpapalit ng citizenship, ‘pero kapag hindi kami maging citizen, kapag hindi kami nakalista, kawawa naman ang anak namin, kawawa rin kami, wala kaming benepisyo at walang karapatan sa mga anak namin.’

‘Kaya mag-isip-isip ka bago ka mag-asawa ng Koreano,’ pabiro naman na sabi ng isa, kahit pa totoo naman. Alam n’ya kasing may tendency maging ma-drama kapag nagkikita-kita kami.

May isa naman palagi na tahimik lang. Mas minabuting kumain ng mani at potato chips at maghanda ng playlist.

Hindi na namin napag-usapan si Neneng at ang marami pang Pinay sa grupo. Isang oras na lang ang natitira at kailangan na naming umuwi. Bumirit kami mula ABBA hanggang K-Pop, hanggang sa “Ang Pasko ay Sumapit,” na gumigiling, kumikembot - pwera split.

At may kakaiba ring nangyari sa gabing ito. Ngayon lang ito, for the very first time, na marahil ito na ang bubura sa alaala ng dalagang ito sa gabing ‘yon kina Neneng: kumanta kami ng “Ang Bayan Ko.”

Isang koro, walang saliw ng videoke, at tawa kami nang tawa pagkatapos na parang mga lukaret, habang isa-isang nagyayakapan. Nahulog ang platito ng mani at potato chips, maging ang isang bag at ilang basyo ng beer. Nahulog rin ang mga luhang parang kimchi na nakaimbak sa banga at ngayon, buong puso nang inihahain para tikman at husgahan. Ito rin ang krimen ko ngayong gabi. Itong dalaga ang pasimuno, kakutsaba, at saksi. Pero alam kong abswelto kami, dahil sigurado akong inaabangan ito, inaasahan ng dalagang ito, tulad din namin noong una dito, na parang pagdating ng snow. #

Read more from the November 2019 issue
Like what you read? Help WWB bring you the best new writing from around the world.