"Birds in Flight, 1965" is one of four winning poems selected by David Tomas Martinez for the 2020 Words Without Borders—Academy of Americans Poets Poems in Translation Contest.
Listen to poet Enrique Villasis read "Birds in Flight, 1965" in the original Filipino
Hindi marami, kundi iisa. Dinakip sa bilis ng mga iglap upang mapiit
Sa ilusyon ng liwanag nang maitanghal sa holograpikong pag-iral
At makapagbigay bigat sa kahulugan ng gaan. Dito, ganap niyang
Naituturo ang mga direksyon ng kanyang pagkakakulong. Lubos
Ang pagkakapurol ng mga pakpak at ang pagaspas ay orkestradong
Pagkabasag ng mga salamin: manipis, pino, linyado. Nasa lapit ng ilaw
Ang tingkad ng paninilaw, katulad kung papaano kinikikilala sa ilalim
Ng bombilya ang nanahang sisiw sa itlog, upang mabakas ang kapal
Ng pamamalikmata sa laberinto ng pluralidad. Ngayon, kahit papaano,
Tila pumpon ito ng mga bunggambilya sa palad, nangangarap makaalpas.
Na maaring totoo ito ukol sa pagnanasa. Unang isinilid sa dibdib
Ang mga simpleng bagay na minahal noong kabataan: ang paghabol
Sa napatid na guryon, ang hindi pag-alintana sa kalabit ng mga tinik,
Ang pagyukod ng makahiya sa talampakan. Ganoon lamang ang kalayaan.
Hindi nakikipagpatintero sa mga anino. Hindi nakapiit sa multiplisidad
Ng mga huwad na hubog. Halos babasagin ngunit orihinal.
“Birds in Flight, 1965” © Enrique Villasis. By arrangement with the author. All rights reserved.